Wednesday, May 29, 2013

ANG HULING HALAKHAK


photo of TV news anchor Jessica Soho and comedian Vice Ganda borrowed from http://jeffvadillo.com/2013/05/vice-ganda-jessica-soho-who-will-get-the-last-laugh/


--------------------------------------------------------




“Some men, under the notion of weeding out prejudice, eradicate virtue, honesty and religion.” 
― Jonathan Swift





UNA sa lahat, ganito.
     Joke: "Ang hirap nga kung si Jessica Soho magbobold. Kailangan gang rape lagi."




     Apologia about joke: "Hindi ko po kailanman gugustuhing kutyain ang sinumang rape victim. Wala po akong intensyong masama, na gustuhing pagtawanan ang mga rape victims, alam ko pong seryoso ang rape. Kaya hindi ko po ginawang seryoso na pagtawanan ang rape victims. (?) Wala po akong intensyong masama. . . . pinalaki nang pinalaki nang pinalaki na ginawang isang national issue na nagsimula sa isang simpleng biro. . . . Kung hindi po ako nauunawaan, paumanhin po ako sa inyo. Sa mga nakaunawa nang mahusay sa mga biro ko, maraming-maraming salamat. . . . Hindi lahat ng jokes ay nakakatawa; depende yan sa kung paano mo tatanggapin."





HAYAAN niyo akong palakihin pa ng kaunti ang isyu. Tulad ng iba riyan, mahilig din akong magpalaki ng isyu, dahil pinalaki ako ng mga nag-alaga sa akin na ituring na malaki -- at maaaring palakihin pa -- ang lahat ng bagay, ang lahat ng detalye, ang lahat ng isyu sa mundo, kung kaya't kahit ang pulitika sa likod ng simpleng imported na arina na ginagamit sa ating inosenteng pambansang almusal ay pinakikialaman ko.
     Totoong maraming biro ang hindi sinasadya. Maraming biro ang may tanging hangarin na magpatawa lamang. Simpleng biro kung tawagin.
     Subalit ito ang itatanong ko. Gagawa ka ba ng jokes tungkol sa mga Palestino sa harap ng mga Palestino, o jokes tungkol sa korapsyon sa Vatican sa harap ng mga Obispo? Tunay na matatawa ang mga Nazis sa mga jokes mo tungkol sa mga Hudyo. Totoong matatawa ang mga macho sa mga jokes mo tungkol sa mga bakla. At malaki ang tsansang matawa ang mga bobo sa mga jokes mo tungkol sa pamilya ni Aling Nena: pilay ang panganay, mataba ang bunso, payat ang asawang may tuberculosis.
     Hindi mo kailangan mag-isip para magpatawa. Sabi nga ng satirist na si Jonathan Swift, kailangan mo lang ang iyong prejudice. Ang career ni Swift ay madalas na umikot sa virtue at kasalanan ng prejudice na tila kasama na ng human-ness.
     Maraming mga biro ng prejudice ang naririnig natin araw-araw galing sa mga tambay, o di kaya galing sa ating mga propesor: mga simpleng biro tungkol sa mga Bisaya, sa mga Kapampangan, sa mga Intsik, sa mga Bombay, sa mga pilay, sa mga bakla, sa mga relihiyoso, sa mga walang trabaho, sa mga Pilipino, atbp.
     Maraming biro ang maririnig galing sa mga matatanda, mga kabataan, galing sa mga relihiyoso, galing sa mga gago, galing sa mga matutuwid, galing sa mga bakla sa salon, galing sa mga barako sa beerhouse, galing sa mga kriminal, at galing sa mga santo, at ang lahat ng mga simpleng birong ito ay ayon sa kanilang prejudices.
     Uulitin ko lang po ang Swiftian axiom: ang nakakatawa at tawanan ay produkto ng ating prejudice.
     At dahil ang bawat komedya ay galing sa isang prejudice, malamang na isang araw ay may aalma sa mga biro mo kung ito'y narinig ng target ng iyong prejudice.



HINDI ko minumungkahi na maging mas "malawak" o "sensitibo" pa ang ating mga komedyante, dahil hindi ko rin lubos maisip kung paano mangyayari iyon o paano gagawin ito. Inaalok ko lamang na sila'y maging mas mapagmatyag sa kanilang manonood. Ito ang sasabihin ko sa kanila:
     Huwag gagawa ng biro tungkol sa mga Hudyo kung ika'y nasa Tel Aviv. Huwag magbibiro tungkol sa mga Bisaya kung ika'y nasa Cebu. Huwag magbiro tungkol sa mga walang edukasyon kung ika'y nasa basketball court ng squatter area sa Tondo. Huwag magbiro tungkol sa gang rape kung ika'y nasa ospital na may mga biktima ng gang rape. Huwag magbiro tungkol sa obesity sa Christimas Party ng . . . may obesity problems.
     Kung nasa Araneta Center ka naman, maging mas mapagmatyag! Dahil hindi ka nasa Christmas Party ng mga German neo-Nazis na okey ang mga jokes mo laban sa mga imigrante sa Germany, hindi ka nasa Christmas Party ng mga Obispo na okey ang mga jokes mo laban kay Risa Hontiveros. Nasa party ka na kung saan maraming uri ng tao ang nanonood!
     Inaalok ko ito hindi dahil malambot ang puso ko sa lahat ng uri ng tao. Tulad ng lahat ng komedyante, may mga prejudices din ako.
     Inaalok ko ito dahil malambot ang puso ko mismo sa mga komedyante, dahil komedyante rin po ako -- mahilig akong magpatawa at gumawa ng jokes laban sa mga kinabubuwisetan kong tao at hayop.
     Ang mga may prejudice laban sa mga kinaiinisan ko ang tanging nakakaintindi sa jokes ko. Ang mga kinaiinisan ko, o yung mga nag-aakalang naiinis ako sa kanila dahil sa jokes ko, ay natural na di "nakakaintindi."
     Naiintindihan ko ang trabaho ng mga nagpapatawa. Ang magpasaya.
     Marami nga naman tayong kinaiinisan sa mundo, madalas nga ay hindi natin alam na kinaiinisan natin sila. Lumalabas na lang iyan sa mga jokes at pasaring natin. Ang hangad lamang natin ay mapasaya ang mga Komunista sa kanilang mga kampo, halimbawa, o ang mga Protestante sa kanilang mga simabahan, o ang mga Ilokano sa kanilang rehiyon, o ang mga robber-rapists sa kanilang mga hideouts. Depende na lang yan sa kung sino ang kliyente natin sa ating propesyong pagpapatawa na tatanggap sa mga jokes natin.
     Ngunit naiintindihan ko rin ang trabaho ng mga galit. Ang magalit.
     Kaya ito lang, bilang panghuli. Inaalok kong huwag na huwag nating pagtatawanan ang mga galit na. Sinasabi ko ito hindi para takutin ang mga sarili natin sa sindak ng kanilang galit, kundi sa takot lamang na baka, sa bandang huli, hindi maging sa atin pa rin kundi sa kanila na ang huling halakhak. ###




“The latter part of a wise person's life is occupied with curing the follies, prejudices and false opinions they contracted earlier.”
― Jonathan Swift






-----------------------------------------------------------




ADDENDUM:

May 31, 2013. Tinawag ang pansin natin sa isang segment ng sitcom na 
Bubble Gang, na ipinalabas noong taong 2010. Heto iyon: CLICK DITO.


June 6, 2013. Nagpahayag ng kanilang galit o pagkadismaya ang ilang mga taga-St. Scholastica's College dahil sa isang Pugad Baboy comic strip na may slur laban sa lesbians sa all-girls Catholic schools: CLICK DITO.

August 19, 2014. Idineklarang persona non grata si komedyanteng Ramon Bautista sa Davao City matapos mabastos ang city government officials sa isang patawa nitoCLICK DITO.




No comments:

Post a Comment